4 CAFGU SUGATAN SA PANGHAHARASS NG TERORISTA SA DATU HOFFER, MDS
Sugatan ang apat na miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos ang pangha-harass ng hinihinalang mga kasapi ng Dawlah Islamiya-Hassan Group sa patrol base at military post ng 90th Infantry Battalion sa Barangay Labu-labu II nitong alas-11 ng gabi.
Ayon sa 6th Infantry Division, posibleng retaliatory attack o diversionary tactic ang insidente kasunod ng pagkamatay ng tatlong miyembro ng grupo sa isinagawang operasyon ng militar laban sa kanila.
Batay sa ulat, sabay na inatake ng tinatayang 10 armadong kalalakihan ang Gogo outpost at Labu-labu patrol base kung saan tumagal ng halos isang oras ang palitan ng putok sa pagitan ng mga armado at tropa ng militar.
Tatlong Civilian Active Auxiliary (CAA) ng CAFGU unit ang sugatan sa Gogo outpost habang isa pa ang nasugatan sa Labu-labu patrol base.
Nasa heightened alert ngayon ang Armed Forces of the Philippines upang mapaghandaan ang posibleng muling pag-atake ng armadong grupo. | via Shayanie Nul Abdulrasid Mindanao Expose News


