3 SUSPEK SA AMBUSH SA POLICE SA MAGUINDANAO DEL SUR, PATAYBSA MILITARY OPERATION

Tatlong (3) hinihinalang kasapi ng Dawlah Islamiyah (DI) ang napatay sa bakbakan laban sa mga pwersa ng pamahalaan sa Barangay Tuayan Mother, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Roland Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, kabilang ang mga tatlong napatay sa tinatayang 31 armadong lalaki na sangkot sa ambush noong Marso 28 kung saan limang pulis mula sa Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang nasawi.

Narekober sa lugar ng engkwentro ang tatlong high-powered firearms at iba pang kagamitang pandigma. Wala namang naiulat na sibilyang nadamay habang nagpapatuloy ang clearing operations upang matugis ang iba pang tumakas na miyembro ng grupo.

Samantala, muling niyanig ng putukan ang Sitio Gogo, Barangay Labu-Labu 2 dakong alas-11:30 ng gabi matapos umano’y lusubin ng mga rebelde ang Gogo Detachment na binabantayan ng Alpha Company ng 90th Infantry Battalion.

Kinumpirma ni Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro, na agad nakaganti ng putok ang mga sundalo na nauwi sa matinding engkwentro. Pinaniniwalaang diversionary tactic ang pag-atake upang ilihis ang operasyon ng militar laban sa mga terorista sa Sitio Bagurot.

Dahil sa banta sa seguridad, pansamantalang isinara ang mga kalsada sa paligid ng lugar habang hinigpitan ang checkpoint operations ng pulisya at militar. Patuloy pa ang beripikasyon kung may karagdagang sugatan o nasawi sa insidente.| via Mindanao Expose News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *