PINALAKAS NG 6ID, OPAPRU AT MGA LIDER NG MAGUINDANAO DEL SUR ANG KOORDINASYON PARA SA KAPAYAPAAN
Pinagtibay ng 6th Infantry Division (6ID), Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), at mga lider ng Maguindanao del Sur ang kanilang pagkakaisa upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.
Sa Maguindanao del Sur Leaders’ Conference nitong Hulyo 16, nagtipon ang mga opisyal ng pambansang pamahalaan, mga alkalde, security sector, at mga kinatawan ng peace mechanisms upang palakasin ang koordinasyon sa pagpapatupad ng Bangsamoro peace process.
Sinabi ni 6ID Commander Major General Jose Vladimir R. Cagara na patuloy na makikipagtulungan ang militar sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at mga peace partner upang mapanatili ang seguridad at maisulong ang pangmatagalang kapayapaan.
Pinangunahan ni Presidential Peace Adviser at Government Peace Implementing Panel Chairperson Secretary Mel Senen Sarmiento ang pagpupulong at binigyang-diin na mahalaga ang patuloy na pagkakaisa ng pamahalaan, MILF, at mga lokal na lider upang mapangalagaan ang mga naabot na tagumpay ng Bangsamoro peace process.
Nagtapos ang kumperensya sa Wall of Commitment Signing, bilang pagpapakita ng sama-samang paninindigan ng mga kalahok na ipagpatuloy ang pagtutulungan para sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa Maguindanao del Sur.


