BFP, PINAIIGTING ANG PAGHAHANDA PARA SA HALALAN; MAHIGIT 800 BAGONG MIYEMBRO, NANUMPA SA SGA
Pinaigting na ng Bangsamoro Federalist Party o BFP ang paghahanda nito para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay BFP Spokesperson Atty. Naguib Sinarimbo, sunud-sunod ang isinagawang pagpupulong ng pamunuan at mga opisyal ng partido mula Biyernes hanggang Linggo bilang bahagi ng paghahanda sa kampanya at koordinasyon ng mga kandidato sa iba’t ibang distrito at sektor.
Kabilang din sa mga aktibidad ang pagpupulong na dinaluhan ng partido kasama si Minister Von Al Haq at mga opisyal ng J2 ng General Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF. Ayon kay Sinarimbo, tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga usaping may kaugnayan sa paghahanda ng partido.
Samantala, mahigit 800 bagong miyembro ng BFP ang nanumpa bilang kasapi ng partido sa isinagawang mass oath-taking sa Special Geographic Area o SGA. Pinangunahan ang seremonya ni BFP Party President Dr. Tomanda Antok.
Kabilang sa mga nanumpa ang apat na alkalde, gayundin ang mga punong barangay at mga kagawad mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa SGA.
Ayon pa kay Sinarimbo, ipinamahagi rin sa mga kandidato ng partido mula sa iba’t ibang lalawigan ang mga campaign poster na sumusunod sa itinakdang panuntunan ng Commission on Elections o COMELEC para magamit sa kani-kanilang lugar sa panahon ng kampanya.


