10 MATATAAS NA KALIBRE NG ARMAS AT PAMPASABOG, ISINUKO SA MILITAR!

Sampung matataas na uri ng baril at isang pampasabog ang boluntaryong isinuko sa militar sa ilalim ng Balik-Baril Program ng pamahalaan noong Abril 27.

Ayon sa 1st Mechanized Infantry Battalion, ang mga armas ay isinuko ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Talitay sa pangunguna ni Mayor Sedik Ameril.

Tinanggap ni Lt. Col. William Sabado, commanding officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion, ang mga isinukong armas at pormal itong ipinrisinta kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Infantry Brigade, sa isinagawang turnover ceremony sa headquarters ng 1st Mechanized Infantry Battalion sa Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang.

Dumalo rin sa aktibidad sina Vice Mayor Musa S. Ameril, mga punong barangay sa pangunguna ni ABC President Datu Ayatullah J. Mapandala, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga isinukong armas ang M16A1 rifle na may kalakip na M203 grenade launcher, isa pang M16A1 rifle, isang Cal. 30 M1 Garand rifle, dalawang rocket-propelled grenade, isang 9mm Uzi submachine gun, isang 7.62mm rifle, isang Cal. .50 Barrett sniper rifle, isang MAC-10, at isang fragmentary hand grenade.

Ayon kay Catu, malaking hakbang ang pagsuko ng mga armas sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Sinabi naman ni Maj. Gen. Jose Valdimir R. Cagara, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, na ang matagumpay na pagsuko ng mga armas ay patunay ng matibay na koordinasyon ng militar, pulisya, lokal na pamahalaan, at mamamayan sa pagsuporta sa Balik-Baril Program.

Hinimok din niya ang iba pang indibidwal na isuko ang kanilang mga baril upang maiwasan ang paggamit nito sa karahasan at krimen. | Mindanao Expose News