UMANO’Y HIWALAY NA MBHTE BANK ACCOUNT AT HINDI NAIPADALANG GSIS CONTRIBUTIONS, TINALAKAY SA PAGDINIG NG BTA PARLIAMENT
Tinalakay sa magkasanib na pagdinig ng Committee on Finance, Budget and Management at Committee on Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Parliament ang umano’y hiwalay na bank account ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) at mga hindi pa naipapadalang kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS).
Pinangunahan nina MP Atty. Kitem Kadatuan Jr. at MP Tomanda Antok ang pagdinig kung saan inilahad ang mga usaping may kaugnayan sa pamamahala ng pondo ng ministeryo noong mga nakaraang taon.
Ayon kay Deputy Floor Leader at Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo, natukoy sa mga naunang budget deliberations ang isang current account kung saan umano inilagay ang bilyun-bilyong pisong hindi nagamit na pondo sa halip na maibalik agad sa Bangsamoro Treasury alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Batay sa mga dokumentong tinalakay sa pagdinig, umabot sa mahigit P4.9 bilyon ang pondong hindi pa naire-revert mula 2023 hanggang 2025.
Ipinahayag din ng mga mambabatas ang kanilang pagkabahala sa humigit-kumulang P415 milyong GSIS contributions na hindi pa umano naipapadala, na maaaring makaapekto sa mga benepisyo at transaksyon ng libu-libong guro at kawani ng edukasyon.
Sa panig naman ng MBHTE, sinabi ng mga opisyal ng ministeryo na malaking bahagi ng naturang pondo ay naibalik na sa Bangsamoro Government. Ayon sa kanila, nasa P1.5 bilyon na lamang ang hindi pa naire-revert habang ang natitirang halaga ay naibalik na ngayong taon.
Patuloy namang susuriin ng mga komite ng Bangsamoro Parliament ang usapin upang matukoy ang mga pangyayari at matiyak ang wastong pangangasiwa ng pondo at mga obligasyong pinansyal ng ministeryo.


