BFP, PAGKAKAISA AT INCLUSIVE GOVERNANCE ANG ITUTULAK SA BANGSAMORO — MACACUA

Pagkakaisa at inklusibong pamamahala ang pangunahing itinutulak ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) sa Bangsamoro, ayon kay BFP candidate at BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa pagtatapos ng 45-araw na campaign period.

Sa kanyang talumpati sa Miting de Avance ng BFP, sinabi ni Macacua na layunin ng partido na pag-isahin ang iba’t ibang sektor ng Bangsamoro at tiyaking walang sektor na maiiwan sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

“Ang ating layunin ay ang mapag-isa ang Bangsamoro at ang mga mamamayan nito,” ani Macacua.

Iginiit niyang ang BFP ay isang “unifier party” na kumikilala at naglilingkod sa mga Muslim, Lumad at Kristiyano bilang bahagi ng kanilang paninindigan sa inclusive governance.

Kasabay nito, sinabi ni Macacua na isusulong ng partido ang mga programang magpapalakas sa Islamic consciousness, na aniya’y mahalaga sa pagpapatibay ng moralidad, integridad at pananagutan sa serbisyo publiko.

Ayon sa kanya, ang mga prinsipyong ito ay gagamitin ding sandigan sa paglaban sa korapsyon at pagpapalakas ng mga institusyon sa Bangsamoro.

Sa huling campaign rally ng BFP, muling binigyang-diin ng partido ang pagkakaisa at inklusibong pamamahala bilang pangunahing mensahe nito sa mga botante bago ang unang parliamentary elections ng BARMM.

Nagtapos nitong Sabado ang 45-araw na campaign period, isang araw bago ang halalan sa Setyembre 14.