685 BARIL, WINASAK SA ILALIM NG ASPIRE PROJECT UPANG PALAKASIN ANG KAPAYAPAAN SA BARMM

Pormal nang winasak ang 685 piraso ng Small Arms and Light Weapons (SALW) sa pamamagitan ng cutting machine sa seremonya na isinagawa sa Headquarters ng 6th Infantry Division sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Bahagi ang aktibidad ng ASPIRE Project na pinondohan ng pamahalaan ng Japan at ipinatutupad ng United Nations Development Programme (UNDP) katuwang ang iba’t ibang stakeholder sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Layunin ng programa na mabawasan ang pagkalat ng mga iligal at hindi na kinakailangang armas, gayundin ang pagpapalakas ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Kabilang sa mga winasak na armas ang mga boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa mga komunidad sa Upi, Maguindanao del Norte at Kabuntalan, Maguindanao del Sur bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas at mapayapang Bangsamoro.

Ayon sa mga opisyal, ang pagsira sa mga nakolektang armas ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan, mga lokal na komunidad, at mga development partner upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *