BARMM stakeholders kumpiyansa sa mapayapa at mataas na voter’s turnout ng parliamentary elections

COTABATO CITY – Tiwala ang election stakeholders ng Bangsamoro na magiging mapayapa at maayos ang kauna-unahang regular parliamentary elections sa Lunes, Setyembre 14, kasabay ng inaasahang mataas na voter’s turnout sa buong rehiyon.

Ito’y makaraang ipakita ng Commission on Elections, mga ahensyang pangseguridad, lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder ang kanilang mga ginagawang paghahanda para sa halalan.

Mahigit 2.3 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto upang pumili ng mga miyembro ng unang regular na Bangsamoro Parliament, isang mahalagang hakbang sa paglipat ng BARMM mula sa Bangsamoro Transition Authority tungo sa isang halal na parliamentary government.

Ayon sa Comelec, target nitong makamit ang hindi bababa sa 80 porsiyentong voter turnout batay sa mataas na antas ng partisipasyon at interes na nakita sa mga voter information at preparatory activities sa rehiyon.

Para kay Maguindanao del Norte Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu, ipinapakita ng inaasahang mataas na bilang ng mga boboto ang kahandaan ng mga mamamayan ng Bangsamoro na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at makibahagi sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.

“Ang bawat boto ay karapatan at responsibilidad. I encourage everyone to vote wisely and peacefully, choosing leaders based on competence, integrity, and genuine commitment to public service. The future of the Bangsamoro is in the hands of its people,” sabi ni Mangudadatu.

Kasunod ito ng mga panawagan ng mga opisyal at lider ng komunidad sa mga botante, kandidato at kanilang mga tagasuporta na panatilihin ang kapayapaan, iwasan ang anumang kaguluhan at igalang ang magiging resulta ng halalan.

Ayon kay Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo, makilahok sana ang mamamayan ng Bangsamoro sa halalan at isaalang-alang naman ng political parties ang kapayapaan ng eleksyon.

“To all parties, let us make this election peaceful, democratic, and truly reflective of the will of our people. Firearms and violence should have no space in a democratic society,” saad ni Naguib.

Pinatatag pa ang mga panawagang ito ng mga paghahandang pangseguridad ng pamahalaan sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Comelec, pamahalaang Bangsamoro at mga lokal na pamahalaan para sa seguridad bago, habang at pagkatapos ng eleksyon.

Pinaigting ng PNP ang operasyon nito sa 108 lugar na tinukoy ng Comelec bilang areas of concern, habang muling tiniyak ng AFP ang kahandaan nitong protektahan ang mga botante at pigilan ang karahasang may kaugnayan sa eleksyon, pananakot at iba pang banta sa proseso ng halalan.

Matatandaang nauna nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga law enforcement at security agencies na tiyaking magiging mapayapa, maayos at kapani-paniwala ang halalan sa BARMM. Naka-deploy para sa election security ang libo-libong tauhan ng PNP, habang nakahanda ang karagdagang pwersa batay sa threat assessments at pangangailangan ng Comelec.

Samantala, sinabi ng Comelec na handa na ang electoral machinery para sa halalan matapos maipadala ang mga election materials at makumpleto ang final testing and sealing ng mga automated counting machines.

“Napaka-successful ng ating ginawang final testing and sealing ng mga VCM at ang lahat ng makina ay dumating na sa mga presinto. Sa mga kababayan po natin sa Bangsamoro, 4 na dekada nating hinintay ito makibahagi at mag-participate po tayo sa halalan dahil ang boses niyo ay mahalaga,” ani Garcia.

Sa Lanao del Sur, iniulat ng Comelec na naipamahagi na ang lahat ng 1,764 automated counting machines at sumailalim na ang mga ito sa final testing and sealing, habang idineklarang halos ganap nang handa ang lalawigan para sa botohan.
Binigyang-diin din ng mga opisyal ng Comelec-BARMM na nakatuon ang mga paghahanda upang matiyak na ligtas na makaboboto ang mga mamamayan at maayos na mabibilang ang kanilang mga boto.

Mahalaga ang inaasahang mataas na voter turnout dahil ang halalan sa Setyembre 14 ang unang regular parliamentary elections sa kasaysayan ng Bangsamoro.

Maghahalal ang mga botante ng 80 miyembro ng Bangsamoro Parliament na binubuo ng 40 party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives.

Susubaybayan din ng mga international observer ang halalan, kabilang ang 108 observer mula sa 16 na organisasyon at delegasyon na magmomonitor sa proseso ng eleksyon sa BARMM at mga karatig na lugar.

Ayon sa mga stakeholder, ang kahandaan ng electoral machinery, mga hakbang sa seguridad at inaasahang mataas na partisipasyon ng mga botante ay nagpapakita ng patuloy na pag-usad ng demokratikong proseso sa Bangsamoro.
Sa pagtatapos ng 45-araw na campaign period, nakatuon na ngayon ang pansin sa mga botante na magpapasya sa magiging direksyon ng rehiyon sa pamamagitan ng kanilang boto sa Lunes.

Para sa mga stakeholder, mahalagang maisagawa ang isang mapayapang halalan, maayos na botohan, kapani-paniwalang bilangan at mataas na voter turnout na tunay na sumasalamin sa kagustuhan ng mamamayan ng Bangsamoro. (END)