DALAWANG TRABAHANTE NG DUCKERY, BRUTAL NA PINATAY SA AMPATUAN; MISTAKEN IDENTITY, ISA SA MGA TINITINGNANG MOTIBO
Brutal na kamatayan ang sinapit ng dalawang tagapag-alaga ng mga itik matapos silang matagpuang patay sa isang liblib na bahagi ng Sitio Bakoko, Barangay Matagabong, Ampatuan, Maguindanao del Sur, Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ng PNP PROBAR, kinilala ang mga biktima na sima “Jerome” at “Noel”, kapwa 31 taong gulang at mga residente ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon sa Ampatuan Municipal Police Station, bandang alas-7:55 ng umaga nang matanggap nila ang ulat hinggil sa pagkakatagpo sa dalawang bangkay. Agad na rumesponde ang mga pulis kasama ang mga sundalo upang tiyakin ang seguridad ng lugar.
Sa pagdating ng mga awtoridad, inilalabas na ng mga kaanak ang mga labi ng dalawang biktima. Sa paunang pagsusuri, kapwa sila nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo.
Batay sa salaysay ng kanilang pamilya, nagtungo ang dalawa sa lugar bandang alas-4 ng hapon noong Martes upang magpastol ng mga itik, ngunit hindi na sila nakauwi. Kinaumagahan ay natagpuan na silang wala nang buhay.
Isang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre 5.56 na baril ang narekober sa pinangyarihan at isasailalim sa ballistic examination.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at mga responsable sa krimen.
Isa sa mga anggulong sinisiyasat ay ang posibilidad ng mistaken identity, ngunit wala pang opisyal na konklusyon ang pulisya.
Samantala, dinala ang mga labi ng dalawang biktima sa isang punerarya sa Esperanza, Sultan Kudarat at naipagkaloob na sa kanilang mga pamilya.


