PUJ DRIVER, KINASUHAN NG MURDER SA PAMAMARIL NA IKINASAWI NG CTTMC EMPLOYEE AT VLOGGER SA COTABATO CITY
Pormal nang sinampahan ng kasong murder ng Cotabato City Police Office ang isang pampasaherong jeepney o PUJ driver at isa pang hindi pa nakikilalang suspek kaugnay ng pamamaril na ikinasawi ng isang empleyado ng Cotabato Traffic and Transportation Management Center o CTTMC at vlogger sa Cotabato City.
Kinilala ang kinasuhang suspek na si alyas “Hammin,” 26-anyos, isang PUJ driver at residente ng Mother Barangay Tamontaka. Nakasama rin sa reklamo ang isa pang hindi pa nakikilalang gunman na nananatiling at large.
Ang biktima ay si Sandy Boy Blah Odin, na kilala rin bilang “Bashte Masukat,” 39-anyos, may asawa, empleyado ng CTTMC, vlogger, at residente ng Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City.
Nangyari ang insidente bandang alas-5:40 ng hapon noong Hunyo 30 sa Don TV Juliano Street, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City.
Isinumite ang kasong paglabag sa Article 248 o Murder ng Revised Penal Code sa City Prosecutor’s Office noong Hulyo 6, 2026, na may Docket Number XIV-10-INV-2026-G-04893, matapos ang isinagawang imbestigasyon ng pulisya.
Patuloy naman ang operasyon ng Cotabato City Police Office upang matukoy ang pagkakakilanlan at madakip ang isa pang suspek sa pamamaril.


