NOTICE MULA KORTE SUPREMA NA NAGDIDIREKTA SA BTA NA MAGSUMITE NG KOMENTO HINGGIL SA PETITION NA KUMUKWESTYON SA BAA 86 AT BAA 88, HINDI PA NATATANGGAP NG MGA RESPONDENTS AYON KAY MP ATTY. NAGUIB SINARIMBO
Kinumpirma ni Atty. Naguib Sinarimbo na wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng petisyon na inihain sa Supreme Court of the Philippines kaugnay ng Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 86 at BAA 88.
Ayon sa kanya, maging ang kopya ng mismong petisyon at ang resolusyon na nag-uutos sa mga respondent na magsumite ng komento ay hindi pa nila natatanggap.
Nakikita lang umano nila ito na nagse-circulate sa social media at sa balita.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng mga alituntunin ng korte, kinakailangang maipadala muna sa mga respondent ang kopya ng petisyon bago ito pormal na tanggapin ng Korte Suprema.
Binigyang diin nya na wala silang konkretong detalye ng nilalaman ng petisyon dahil hindi pa ito nakakarating sa kanilang tanggapan.
Inihayag naman ni Sinarimbo na nakahanda sila na sagutin at makakapagsumite ng komento kapag natanggap na ang opisyal na dokumento.
Samantala, sinabi rin ni Sinarimbo na sa kanyang personal na pananaw, mahihirapan umusad ang petisyon kung ang layunin nito ay ipatigil ang halalan.
Aniya, naipasa na ng Kongreso ang batas para sa eleksyon at nakapaglabas na rin ng guidelines at calendar of activities ang Commission on Elections.
Iginiit din niya na handa nilang sagutin ang mga isyung binanggit sa petisyon, kabilang ang usapin ng contiguity at pagbuo ng parliamentary districts.
Ayon kay Sinarimbo, may hangganan o boundary na magkadikit ang Kapai at Saguiran kaya hindi isyu ang physical contiguity.
Dagdag pa niya, pinapayagan sa ilalim ng batas ang pagsasama-sama ng iba’t ibang local government units para sa layunin ng representasyon. |


