IMBESTIGASYON NG NBI SA MADUDONG INSIDENTE SA COTABATO CITY, SUPORTADO NG OPAPRU AT GOVERNMENT PEACE PANEL

Suportado ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU at Government Peace Implementing Panel o GPIP ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI sa madugong shooting incident sa Cotabato City, bisperas ng Bangsamoro Parliamentary Elections.

Naganap ang pamamaril sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2, gabi ng Setyembre 13, habang maagang pumipila ang mga botante para sa halalan. Apat ang nasawi at 15 ang sugatan matapos umanong mauwi sa pamamaril ang mainitang pagtatalo at pagtutulakan sa lugar.

Ayon sa OPAPRU at GPIP, nakipag-ugnayan na sila sa NBI noong araw mismo ng halalan upang hilingin ang pagkakasangkot nito sa imbestigasyon, bago pa man ang mga sumunod na panawagan para sa probe.

Nauna rin nang humiling ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP sa NBI na imbestigahan ang mga iniulat na irregularities at election-related violence na naganap sa BARMM noong halalan, kabilang ang insidente sa Cotabato City.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at maitatag ang buong pangyayari. Sinusuri rin ng mga awtoridad ang CCTV footage at iba pang ebidensya mula sa crime scene.

Iginiit ng OPAPRU at GPIP na dapat maging malaya, walang kinikilingan at nakabatay sa ebidensya ang imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan at hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya | via Yanie Abdulrasid