KABABAIHAN, BAWAL BUMIYAHE PARA SA TRABAHO NANG WALANG LALAKING TAGAPAG-ALAGA O MAHRAM AYON SA DARUL IFTA
Naglabas ng fatwa ang Bangsamoro Darul-Ifta’ na nagbabawal sa kababaihan na maglakbay para sa trabaho nang walang kasamang lalaking tagapag-alaga o kamag-anak.
Ayon sa inilabas na pahayag, nakabatay ang desisyon sa mga aral ng Islam na nakasaad sa Sahih al-Bukhari at Sahih Muslim, na naglilimita sa paglalakbay ng babae kung wala itong kasamang lalaking tagapag-alaga. Ipinunto rin na walang nakasaad na partikular na pagbubukod sa ganitong patakaran, kaya saklaw nito ang lahat ng uri ng biyahe, kabilang ang para sa trabaho.
Binigyang-diin din sa fatwa na sa Islam, hindi obligasyon ng babae ang maghanapbuhay dahil ang pananagutan sa pinansyal na pangangailangan ay nasa kanyang mga lalaking kamag-anak.
Idinagdag pa na layunin ng patakaran na maprotektahan ang kababaihan laban sa mga posibleng panganib gaya ng pang-aabuso at pagsasamantala, lalo na sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Dahil dito, pinagtitibay ng Bangsamoro Darul-Ifta’ na hindi pinahihintulutan ang paglalakbay ng kababaihan para sa trabaho kung walang kasamang lalaking tagapag-alaga, bilang pag-iingat sa kanilang kaligtasan at kapakanan. | via Yanie Abdulrasid


