HIGH-VALUE TARGET, PATAY SA DRUG-BUST SA LANAO DEL SUR; ₱3.4 MILYONG SHABU, NASAMSAM

Patay ang isang high-value target matapos mauwi sa engkwentro ang isinagawang drug buy-bust operation ng PDEA-BARMM sa Barangay Purakan, Balabagan, Lanao del Sur nitong Miyerkules, April 15, 2026.
Sa report ng PDEA-BARMM, kinilala ang suspek bilang si alyas “Gary,” 54 years old na residente ng Calanogas, Lanao del Sur.
Ayon sa PDEA, nagtangkang manlaban ang suspek matapos ang transaksyon at pinaputukan ang mga awtoridad dahilan upang gumanti ng putok ang otoridad.
Nagtamo ng tama ng bala ang suspek at naisugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa naturang operasyon, nasamsam ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon.
Narekober din ang isang 9mm pistol na may magazine at 15 bala, isang cellphone, buy-bust money, at identification card ng suspek.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PDEA-BARMM at Philippine National Police, katuwang ang iba pang law enforcement units. | via Yanie Nul Abdulrasid


