SHEIKH SALAMAT HASHIM BUILDING, ITINURN-OVER NA SA BTA NG MPW-BARMM

Pormal nang tinanggap ng Bangsamoro Parliament ang Sheikh Salamat Hashim Building, isang 4-storey building na inaasahang magsisilbing karagdagang espasyo para sa lumalawak na legislative work ng BARMM lalo na sa paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre 2026.
Isinagawa ang turnover ceremony noong Abril 16 sa Bangsamoro Government Compound, sa pangunguna nina Speaker Mohammad Yacob, Public Works Minister Eduard Guerra, Cabinet Secretary Asnin Pendatun, Deputy Speaker Omar Sema, at Parliament Secretary General Raby Angkal, kasama ang iba pang opisyal.
Ang nasabing gusali ay may anim(6) na conference rooms at labin-apat (14) na opisina na gagamitin para sa mga committee hearings, meetings, at iba pang mga kaganapan.
Fully-equipped din ang nasabing pasilidad upang magsilbing pangunahing workspace ng mga mambabatas at kawani ng Parlamento.
Ayon kay Speaker Yacob, mahalaga ang bagong pasilidad upang matugunan ang kakulangan sa espasyo habang patuloy na isinasagawa ng Parlamento ang mga tungkulin nito, partikular sa committee work kung saan sinusuri at pinapanday ang mga panukalang batas.
Makakatutulong ang gusali sa pagpapalakas ng operasyon ng Parlamento at sa pagharap sa dumaraming gawain bilang paghahanda sa paglipat tungo sa kauna-unahang halal na parliamentary body ng Bangsamoro. | Yanie Abdulrasid


