GRANADA, PINASABOG MALAPIT SA BAHAY NG EMPLEYADO NG LGU SA RAJAH BUAYAN; RUMESPONDENG PULIS, PINASABUGAN NG IED!

Pinasabugan ng granada ng hindi pa tukoy na mga suspek ang labas ng bahay ng isang empleyado ng lokal na pamahalaan sa Rajah Buayan, Maguindanao del Sur, habang pinasabugan din ng improvised explosive device (IED) ang patrol car ng mga rumespondeng pulis.
Naganap ang dalawang magkahiwalay na insidente sa Brgy. Sapakan, umaga ng Miyerkules, Abril 1.
Ayon sa mga opisyal, target ng paghahagis ng granada ang cashier ng LGU-Rajah Buayan na si Norfayni Mastura, na hindi nasaktan matapos sa labas lamang ng bahay sumabog ang pampasabog.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Rajah Buayan Municipal Police Station sakay ng patrol car na may lulang walong pulis, ngunit bago makarating sa lugar, sumabog ang isang IED sa roadside area.
Sa lakas ng pagsabog, nasira ang poste ng solar light habang nagtamo lamang ng bahagyang pinsala ang police patrol car. Wala namang nasugatan sa insidente.
Nagdulot ng takot sa mga residente ang sunod-sunod na pagsabog.
Binalaan ni Bai Maruja Ampatuan Mastura na mananagot ang sinumang nasa likod ng insidente, at hindi aniya magtatagumpay ang anumang tangkang paninira sa kanilang pamahalaan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police upang matukoy ang mga responsable. | via Yanie Abdulrasid, Mindanao Exposé



