PAGKAKATALAGA KAY MACACUA, HINDI LAMANG ISYUNG LEGAL KUNDI MAY KAUGNAYAN DIN SA PEACE PROCESS — DATING IBP PRESIDENT
Nilinaw ni Atty. Frances Cynthia J. Guiani, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cotabato City and Maguindanao Chapter, na ang legal na opinyong inilabas ni Atty. Bai Dona Dilangalen kaugnay ng pagkakatalaga kay Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ay hindi opisyal na posisyon ng IBP.
Ayon kay Guiani, walang naging konsultasyon o resolusyon mula sa organisasyon upang katawanin ng naturang pahayag ang pananaw ng buong samahan ng mga abogado. Aniya, may kalayaan ang bawat abogado na magpahayag ng sariling opinyon ngunit hindi ito dapat ituring na opisyal na tindig ng IBP kung walang kaukulang pahintulot.
Kasabay nito, sinabi ni Guiani na ang usapin ng pagkakatalaga kay Macacua bilang Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ay hindi lamang nakasentro sa legalidad ng presidential appointment.
Binigyang-diin niya na dapat ding isaalang-alang ang mga pangyayaring may kaugnayan sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, kabilang ang naging suspensiyon kay Macacua bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF.
Ayon kay Guiani, bilang pangunahing partido sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, mahalagang isaalang-alang ang mga posibleng epekto ng naturang mga usapin sa pagpapatuloy ng peace process, normalisasyon, at pagkakaisa sa loob ng organisasyon.
Dagdag pa niya, ang pagtalakay sa mga sensitibong isyu na may kaugnayan sa Bangsamoro peace process ay nangangailangan ng pag-iingat upang maiwasan ang maling interpretasyon at posibleng paglala ng hindi pagkakaunawaan sa hanay ng mga stakeholder.
Nanawagan naman si Guiani ng maingat at responsableng pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa kapayapaan at pamamahala sa Bangsamoro upang mapanatili ang katatagan at pagkakaisa sa rehiyon.


