CSOs, RELIGIOUS AT YOUTH GROUPS NAGKAKAISA SA SOLIDARITY MARCH SA BARMM ; KAPAYAPAAN AT PAGKAKAISA, PANAWAGAN NG GRUPO

Naglunsad ng solidarity march ang iba’t ibang civil society organizations (CSOs), religious groups, youth, at community representatives sa Cotabato City ngayong araw ng Lunes, March 30 upang maghayag ng panawagan sa gitna ng tumitinding usapin sa pamumuno, alegasyon ng korapsyon, at paulit-ulit na pagpapaliban ng parliamentary elections sa rehiyon.
Ayon sa grupo, nagdudulot na ng pangamba ang mga nasabing isyu at nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak sa hanay ng mga lider at komunidad, na maaaring magbanta sa mga nakamit ng peace process.
Binigyang-diin ng mga organizer na ang umiiral na political tensions at kakulangan ng consensus sa pamahalaan ay posibleng magpalala ng hidwaan kung hindi agad maaaksyunan sa pamamagitan ng dayalogo.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagkakaisa ng mga lider, mahigpit na pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan, at pagresolba ng hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng konsultasyon sa halip na bangayan sa publiko.
Iginiit din ng grupo ang kahalagahan ng pag-iwas sa mga pahayag na nagpapalala ng tensyon, pagpapalakas ng transparency at accountability, at pagsasagawa ng malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan upang mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak ang direksyon ng BARMM tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran. | via Shayanie Nul, Mindanao Expose News


