SUSPENSION ORDER KAY BARMM CHIEF MINISTER MACACUA BILANG BIAF CHIEF OF STAFF, LUMABAS SA GITNA NG PINAIIGTING NA ANTI-KORAPSYON DRIVE NITO SA BARMM

Naglabas ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee ng resolusyon na nagpapataw ng indefinite suspension kay Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF).

Ayon sa resolusyon, ang suspensyon ay may kaugnayan sa umano’y hindi pagsunod ni Macacua sa ilang direktiba at pasya ng MILF Central Committee.

Lumabas ang resolusyon sa panahong nagpapatupad ang pamahalaang Bangsamoro ng mga hakbang na naglalayong palakasin ang transparency, accountability, at maayos na paggamit ng pampublikong pondo sa rehiyon.

Sa mga nakalipas na buwan, nagpalabas si Macacua ng mga kautusan para sa mas mahigpit na internal controls at pagsunod sa mga umiiral na regulasyon sa paggastos ng pondo ng pamahalaan.

Ilang ulit ding binigyang-diin ni Macacua ang kahalagahan ng tapat at responsableng pamamahala upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng Bangsamoro.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Macacua kaugnay ng ipinataw na suspensyon ng MILF Central Committee.