MACACUA, INDEFINITELY SUSPENDED BILANG BIAF CHIEF OF STAFF DAHIL SA UMANO’Y INSUBORDINATION, PAGSUWAY SA MILF CENTRAL COMMITTEE AT PAGLABAG SA DISIPLINA NG ORGANISASYON

Pinatawan ng indefinite suspension ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee si Abdulraof “Sammy Al Mansur” o “Sammy Gambar” Macacua bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ayon sa Resolution No. 01, Series of 2026 na inaprubahan noong Hunyo 3 sa Davao City.

Sa resolusyon, sinabi ng MILF Central Committee na si Macacua ay nakagawa umano ng mga kilos ng pagsuway at insubordination laban sa pamunuan ng organisasyon, gayundin ng mga desisyon at pahayag na hindi umano naaayon sa political line at kolektibong pasya ng MILF leadership.

Binanggit din sa dokumento na hindi umano sinunod ni Macacua ang Memorandum Order No. 09, Series of 2026 ng Central Committee at itinuloy pa rin ang pagtanggal kay Mohagher M. Iqbal bilang Minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).

Kabilang din sa mga isyung nakasaad sa resolusyon ang umano’y pagtakbo ni Macacua bilang independent candidate sa halip na dalhin ang pangalan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ang opisyal na partidong pampulitika ng MILF, nang walang konsultasyon sa pamunuan ng organisasyon.

Dahil dito, ipinasiya ng Central Committee na suspindihin si Macacua bilang BIAF Chief of Staff hanggang sa mabawi o mapawalang-bisa ang naturang resolusyon. Nakasaad din na mawawala sa kanya ang lahat ng kapangyarihan, pribilehiyo, representasyon at katayuang kaakibat ng posisyon.

Kasabay nito, inatasan ang lahat ng istruktura, komite, field commands at mga kaakibat na yunit ng MILF na ipatupad ang resolusyon at huwag kilalanin ang anumang aksyon o representasyon ni Macacua sa ngalan ng BIAF-MILF.

Pansamantala namang aakuin ni MILF Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, bilang Commander-in-Chief ng BIAF-MILF, ang tungkulin ng Chief of Staff habang umiiral ang suspensyon.