TIG ₱150,000, TINANGGAP NG MGA CSOs SA ILALIM NG TDIF NI MP BENITO

Tumanggap ng tig-₱150,000 na tulong pinansyal ang ilang Civil Society Organizations (CSOs) mula sa tanggapan ni MP Abdulbasit Benito bilang unang batch ng beneficiaries ng Transitional Development Impact Fund (TDIF) para sa 2026.

Ayon kay Benito, layunin ng ayuda na magsilbing panimulang puhunan upang mapalakas ang mga livelihood at community-based projects ng mga organisasyon para sa sustenableng kabuhayan.

Isinasagawa ang programa sa pamamagitan ng Ministry of Labor and Employment (MOLE) sa ilalim ng Bangsamoro Rural Employment Through Entrepreneurial Development (BREED), alinsunod sa layunin ng pamahalaang Bangsamoro sa pamumuno ni Abdulraof Macacua na palakasin ang grassroots development.

Nagpasalamat din si Benito kay Muslimen G. Sema sa suporta sa implementasyon ng programa, habang pinasalamatan ng mga benepisyaryo ang ibinigay na tulong na anila’y malaking ambag sa pagpapalawak ng kanilang mga proyekto. | via Yanie Abdulrasid