PETITION PARA HARANGIN ANG UBJP INIHAIN SA COMELEC; GUN BAN VIOLATION, UMANO’Y ARMED LINKS, FOREIGN FUNDING AT DECOMMISSIONING ISSUE, ITINURING NA GROUNDS SA PETISYON

Isang verified opposition ang inihain sa Commission on Elections laban sa pagpaparehistro ng United Bangsamoro Justice Party bilang Regional Parliamentary Political Party (RPPP).

Ang petisyon ay inihain ni Sahabudin Panambulan Usop, na humihiling sa komisyon na i-deny ang aplikasyon ng partido.

Batay sa dokumento, kabilang sa mga pangunahing grounds ang umano’y paglabag sa election gun ban,armed connection, pagtanggap ng foreign contributions, at ang isyu ng hindi umano ganap na decommissioning ng mga combatant.

Ayon sa petisyon, may mga insidente umano ng pagpapakita ng baril sa political assemblies sa loob ng election period, na maaaring lumabag sa Omnibus Election Code.

Binanggit din ang alegasyon na ang UBJP ay may kaugnayan sa mga armadong grupo, na hindi umano tugma sa prinsipyo ng mapayapang demokratikong proseso.

Partikular ding tinukoy ang isyu ng decommissioning, kung saan sinasabing ang pagsuspinde nito ay nag-iwan ng mahigit 14,000 combatants na armado. Ayon sa petitioner, ito umano ay nagpapakita ng patuloy na “armed capability” na hindi akma sa isang partidong lumalahok sa halalan.

Bukod dito, inilahad din ang alegasyon ng pagtanggap umano ng pondo mula sa dayuhang entity sa pamamagitan ng isang foundation, na maaaring lumabag sa mga batas na nagbabawal sa foreign contributions sa political parties.

Iginiit pa ng petitioner na ang mga nasabing isyu ay maaaring magresulta sa “untruthful statements” sa aplikasyon ng partido—isang hiwalay na batayan para sa denial ng rehistrasyon sa ilalim ng mga patakaran ng COMELEC.

Sa huli, hinihiling sa komisyon na ibasura ang aplikasyon ng UBJP, ideklara ang mga umano’y paglabag, at magsagawa ng kaukulang imbestigasyon laban sa mga sangkot.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang COMELEC at panig ng UBJP hinggil sa naturang petisyon ngunit kaliwat kanan na ang reaksyon ng ilang personalidad sa nasabing isyu.

Samantala, base sa COMELEC sampung (10) political parties na ang granted ang petition, isa (1) ang na-denied habang lima (5) ang pending pa. | via Shayanie Nul, Mindanao Expose News