NAREKOBER NA VIDEO, NAGKUMPIRMA SA PAGKAKASANGKOT NG MAUTE GROUP SA MUNAI AMBUSH

Kinumpirma ng 1st Infantry “Tabak” Division ng Philippine Army na ang mga miyembro ng Dawlah-Islamiyah Maute Group (DI-MG) na napatay sa law enforcement operation sa Marantao, Lanao del Sur ay siya ring mga armadong responsable sa ambush laban sa tropa ng gobyerno noong Enero 23, 2026 sa Barangay Lininding, Munai, Lanao del Norte.

Ayon sa militar, napatunayan ito sa pamamagitan ng validated intelligence at forensic examination sa mga narekober na gamit, partikular ang video mula sa cellphone ng isang babaeng miyembro ng Maute Group na napatay sa operasyon noong Abril 17, 2026.

Makikita umano sa nasabing video ang direktang partisipasyon ng mga armadong grupo sa pananambang sa tropa ng Army, na lalong nagpatibay sa pagkakakilanlan at pananagutan ng mga ito.

Sinabi ni Yegor Rey P. Barroquillo Jr., commander ng 1st Infantry Division, na naibigay na ang hustisya para sa mga nasawing sundalo.

Iginiit din ng Philippine Army na lehitimo at intelligence-driven ang kanilang operasyon at mahigpit nilang sinusunod ang rules of engagement, human rights, at International Humanitarian Law sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Lanao. | via Mindanao Expose News