AMBUSH SA PANDAG | BARANGAY CHAIRMAN AT DRIVER SUGATAN SA PAMAMARIL SA MAGUINDANAO DEL SUR

Sugatan ang isang barangay chairman at kanyang driver matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur nitong Lunes ng umaga, March 30, 2026.

Kinilala ang mga biktima na sina Hadji Mansor Bajunaid Mangelen, barangay chairman ng Barangay Damalusay sa Paglat, at ang kanyang driver na si Arafat G. Abpet, kapwa nasa hustong gulang at residente ng nasabing lugar.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na sakay ang mga biktima ng isang itim na Toyota Innova na may plakang MAH 2991 at bumiyahe mula sa bayan ng Buluan patungong Pandag. 

Pagsapit sa naturang lugar, sinundan umano sila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Tinamaan ang kaliwang bahagi ng sasakyan at nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawang biktima. Agad silang isinugod ng kanilang kamag-anak sa Buluan District Hospital para sa agarang lunas.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis laban sa mga tumakas na suspek, ngunit wala pang naaresto sa ngayon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at makilala ang mga salarin. 

Naka-alerto na rin ang mga karatig na himpilan ng pulisya para sa posibleng dragnet operations. | via Abdulrasid, Mindanao Expose News