GRENADE ATTACK, PINANINIWALAANG SANHI NG PAGSABOG SA SHARIFF AGUAK; LIMA ANG SUGATAN

Pinaniniwalaang isang grenade attack ang nasa likod ng pagsabog na naganap bandang alas-6:26 ng umaga nitong Sabado sa roundabout ng Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ng isang military truck ang mga tauhan ng 2nd Special Forces Reconnaissance Battalion na patungo sana sa Isulan para sa marketing nang umano’y hagisan ng pinaniniwalaang hand grenade ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang itim na motorsiklo.

Limang katao ang nasugatan sa insidente, kabilang ang dalawang miyembro ng Philippine Army at tatlong sibilyan na nagtamo ng mga sugat dulot ng shrapnel. Agad silang isinugod sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center sa Datu Hoffer para sa agarang gamutan.

Nakarekober naman ang mga imbestigador ng safety lever ng pinaniniwalaang hand grenade sa pinangyarihan ng insidente. Agad ding isinailalim sa police line ang lugar habang nagsagawa ng CCTV review, area canvassing, forensic examination, at dragnet operation laban sa dalawang suspek na tumakas matapos ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga responsable sa pagsabog.