MACACUA, IPINALIWANAG ANG PAGTAKBO BILANG INDEPENDENT KASUNOD NG SUSPENSYON NG MILF

Ipinaliwanag ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang kanyang desisyon na tumakbo bilang independent candidate sa nalalapit na Bangsamoro parliamentary elections, kasunod ng pagpapataw sa kanya ng indefinite suspension bilang Chief of Staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Macacua na isa sa mga isyung binanggit sa resolusyon ng MILF Central Committee ay ang kanyang pagtakbo bilang independent candidate.

Ayon kay Macacua, pinili niyang huwag umanib sa anumang partidong pulitikal habang nanunungkulan bilang Chief Minister upang mapanatili ang pagiging patas sa pamamahala at makapaglingkod sa lahat ng mamamayan ng Bangsamoro anuman ang kanilang kinabibilangang grupo o partido.

“Matagal pa ang election. Kailangan patas pa rin ang aking pamumuno sa lahat ng Bangsamoro bilang Chief Minister,” ani Macacua.

Sinabi rin niya na nakatulong ang kanyang naging posisyon upang mapalakas ang ugnayan ng Bangsamoro Government sa mga local government units at iba’t ibang political stakeholders sa rehiyon.

Samantala, nilinaw ni Macacua ang usapin hinggil sa umano’y Certificate of Nomination and Acceptance (CONA), at iginiit na wala siyang natanggap na naturang dokumento.

Ipinahayag din ng Chief Minister na kanyang iginagalang ang naging pasya ng MILF na suspendihin siya bilang BIAF Chief of Staff. Aniya, mababawasan umano ang bigat ng responsibilidad na kanyang ginagampanan sa sabay na pamumuno sa pamahalaan at sa isang military organization.

Sa kabila ng suspensyon, nanawagan si Macacua sa kanyang mga tagasuporta na manatiling kalmado at umiwas sa mga hakbang na maaaring magdulot ng higit pang hidwaan sa Bangsamoro.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pagkakaisa at pagpapatuloy ng mga reporma sa pamahalaan, kabilang ang kampanya laban sa korapsyon, nepotismo, at mga hindi naipatutupad na proyekto ng gobyerno.

Noong Hunyo 3, inaprubahan ng MILF Central Committee ang Resolution No. 01, Series of 2026 na nagsususpinde kay Macacua bilang BIAF Chief of Staff at nag-uutos sa mga istruktura at kaakibat na organisasyon ng MILF na ipatupad ang naturang resolusyon.