BINAWIAN NG BUHAY ANG 14-ANYOS, DALAWA SUGATAN SA AKSIDENTE SA MAGUINDANAO DEL NORTE

Nasawi ang isang 14-anyos na lalaki habang dalawa pa ang nasugatan sa isang aksidente sa kalsada na naganap bandang 1:10 ng hapon, Abril 19, 2026, sa kahabaan ng national highway ng Davao–Cotabato City sa Brgy. Pigcalagan, Km 14.
Kinilala ang nasawi na si Fahad A. Mendel, isang estudyante at residente ng nasabing barangay, na idineklarang dead on the spot matapos ang insidente.
Sugatan naman ang driver ng sasakyan na si Mtato Mamalinta, 21-anyos, at isang bystander na si Jerick D. Bagundang, 37-anyos. Agad silang dinala sa Cotabato Regional and Medical Center para sa gamutan.
Ayon sa imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station (MPS), minamaneho ni Mamalinta ang isang puting ten-wheeler mixer truck na walang plaka at bumabagtas mula Crossing Simuay patungong northbound nang mangyari ang aksidente.
Pagdating sa kurbadang bahagi ng kalsada, pinaniniwalaang mabilis ang takbo ng sasakyan kaya ito nag-overshoot at sumalpok sa isang residential area, na siyang ikinasugat ng bystander at ikinamatay ng pasahero.
Isang residente, si Nora Gumaga Kalipa, ang naiulat na hindi nasaktan sa insidente.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang nasabing sasakyan para sa kaukulang disposisyon. Samantala, nakuha na ng pamilya ang labi ng biktima para sa isasagawang Muslim burial rites.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. | via Yanie Nul Abdulrasid


