MSU RESEARCHERS, NAKATUKLAS NG PARAAN PARA PALAKASIN ANG ANI NG STRAWBERRY SA BARMM SA SUPORTA NG MINISTRY OF SCIENCE AND TECHNOLOGY

Mindanao Exposé

Isang makabuluhang hakbang sa pagpapalakas ng agrikultura sa Bangsamoro ang naitala matapos matuklasan ng mga mananaliksik mula sa Mindanao State University ang epektibong paraan upang mapataas ang ani ng strawberry sa tropikal na kabundukan, sa tulong ng Ministry of Science and Technology BARMM.

Sa isinagawang pag-aaral nina Edgel O. Escomen at Gerlie S. Jambaro, natukoy na ang paggamit ng “vernalization” o panandaliang pagpapalamig ng mga punla bago itanim ay nagdudulot ng mas mataas na produksyon ng strawberry.

Isinailalim ang mga punla sa temperaturang 3°C sa loob ng 10 oras bago itanim, na nagresulta sa mas maagang pamumulaklak, mas maraming bunga, at mas mataas na ani kumpara sa mga halamang hindi ginamitan ng naturang proseso.

Batay sa resulta, umabot sa average na 10.83 tonelada bawat ektarya ang ani ng mga halamang dumaan sa vernalization, higit na mataas kaysa sa 7.38 tonelada bawat ektarya mula sa mga hindi ginamot.

Pinakamataas ang naitalang produksyon sa mga barayti na Sweet Honeoye at Sweet Charlie na kapwa lumagpas sa 13 tonelada bawat ektarya, habang ang Snow White naman ang nanguna sa tamis ng bunga na umabot sa 15.35°Brix.

Ayon sa mga mananaliksik, mahalaga ang vernalization sa mga bansang tropikal tulad ng Pilipinas kung saan limitado ang natural na lamig na kinakailangan upang ma-stimulate ang pamumulaklak ng strawberry.

Napag-alaman din na nabawasan ang pag-usbong ng runners o mga supling ng halaman, indikasyon na mas napupunta ang enerhiya ng halaman sa pamumunga kaysa sa paglaki.

Binigyang-diin ng mga eksperto na mahalaga ang tamang pagpili ng barayti at maayos na pamamahala sa taniman upang lubos na mapakinabangan ang benepisyo ng vernalization.

Inaasahan na ang ganitong mga inobasyon, sa suporta ng MOST-BARMM, ay makatutulong upang mapaunlad ang produksyon ng strawberry at kabuhayan ng mga magsasaka sa mga highland areas ng Bangsamoro. |