MILG MINISTER Jordan S. Bayam, HUMINGI NG PAUMANHIN KAY Al Haj Murad Ebrahim; PAGKAKAISA, IGIIT
MILG MINISTER Jordan S. Bayam, HUMINGI NG PAUMANHIN KAY Al Haj Murad Ebrahim; PAGKAKAISA, IGIIT SA GITNA NG ISYU SA LIDERATO NG BARMM
Humingi ng paumanhin si Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister Jordan S. Bayam kay Al Haj Murad Ebrahim kaugnay ng kanyang naging pahayag hinggil sa mga kaganapan sa liderato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kanyang opisyal na pahayag noong Abril 20, 2026, sinabi ni Bayam na ang kanyang naunang salaysay tungkol sa “sequence of events” sa pagbabago ng liderato ay napilipit at nagamit umano upang palabasing may masamang intensyon siya.
Ayon kay Bayam, layunin lamang ng kanyang pahayag na ipaliwanag sa mamamayang Bangsamoro ang proseso ng konsultasyon at mga hakbang na isinagawa upang matiyak na mapoprotektahan ang liderato ng MILF at mananatili ang pamamahala ng BARMM sa kamay ng kanilang hanay.
Iginiit din ng opisyal na bahagi ng kanyang naging pahayag ang pagtatanggol sa kasalukuyang Chief Minister na si Abdulraof Macacua laban sa umano’y “below the belt” na paninira at mga maling naratibo na walang sapat na batayan.
Dagdag pa niya, patuloy niyang isinusulong ang pagkakaisa at kooperasyon bilang pangunahing prinsipyo ng kanyang serbisyo, at nanawagan sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong kumakalat.
Nagbabala rin si Bayam laban sa mga indibidwal na umano’y sinasamantala ang sitwasyon upang maghasik ng pagkakahati-hati sa Bangsamoro sa pamamagitan ng pagbaluktot sa kanyang mensahe para sa pansariling interes.
Sa huli, muling humingi ng paumanhin ang MILG Minister sa publiko at partikular kay Ebrahim para sa anumang naging epekto ng kanyang mga pahayag—sinadya man o hindi—at para sa hindi inaasahang resulta ng kanyang pagbabahagi ng detalye sa mga isinagawang konsultasyon sa loob ng MILF.
Nanawagan din si Bayam na pairalin ang moral governance at transparency bilang gabay sa pamamahala sa BARMM, kasabay ng panalangin para sa patuloy na gabay sa liderato nina Ebrahim at Chief Minister Macacua. | via Yanie Abdulrasid


