MGA BUTO NG LIMANG INDIBIDWAL, NAHUKAY SA LIBLIB NA BAHAGI NG MAGUING, LANAO DEL SUR
Nagulat ang mga residente sa Barangay Dilimbayan, Maguing matapos matagpuan at mahukay ang mga buto ng limang indibidwal sa isang liblib na lugar noong Mayo 11.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng magkasanib na pwersa ng 55th Infantry Battalion ng Philippine Army, Philippine National Police-Maguing Police Station, at SOCO ng Lanao del Sur Police Provincial Office matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa umano’y matagal nang nakabaong mga buto sa lugar.
Maingat na isinagawa ng mga awtoridad ang paghuhukay at pagsusuri sa mga natagpuang buto bago ito dinala sa Francfort Public Cemetery sa Amai Manabilang para sa maayos na paglilibing.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng mga natagpuang buto at ang posibleng dahilan ng pagkakabaon ng mga ito sa naturang lugar.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na agad makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kampo ng militar kung may impormasyon tungkol sa mga nawawalang indibidwal.


