KUMPLETONG IMPLEMENTATION NG CAB, NAKASALALAY SA BAGONG OPAPRU SECRETARY
Inilahad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Implementing Panel na mahalaga ang magiging papel ni Secretary Mel Senen Sarmiento bilang bagong Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (PAPRU) sa pagpapatuloy at pagtatapos ng peace process sa Bangsamoro
Sa pahayag ni Mohagher M. Iqbal, sinabi nitong nakikita nila ang pagkakataon sa bagong pamunuan upang maisulong ang ganap na implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), partikular sa mga natitirang bahagi nito.
Binigyang-diin ng MILF na ang kasalukuyang yugto ay nakatuon na sa normalization, pagpapalakas ng kapasidad sa pamamahala at pananalapi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at paghahanda sa unang parliamentary elections.
Ayon pa sa grupo, kinakailangan ang pamumunong may malawak na karanasan sa civil governance at intergovernmental relations—mga aspektong inaasahang matutugunan ni Sarmiento.
Samantala, nagpasalamat din ang MILF kay Carlito G. Galvez Jr. sa kanyang naging papel sa implementasyon ng peace agreements, kabilang ang pagpasa ng Bangsamoro Organic Law at pagsisimula ng decommissioning process.
Iginiit ng MILF ang kahalagahan ng direktang pakikipag-ugnayan sa bagong PAPRU upang matiyak ang koordinadong pagpapatupad ng mga natitirang commitments sa ilalim ng peace agreement.
Tiniyak naman ng grupo na handa silang makipagtulungan sa pambansang pamahalaan para sa tuluyang pagkumpleto ng peace process sa Bangsamoro.


