BARAKAH ISLAMIC PAWNSHOP, INILUNSAD SA COTABATO; SHARIAH-COMPLIANT NA SANGLAAN IPINAKILALA
Pormal nang inilunsad nitong Huwebes, Hunyo 18, sa Jamiat Cotabato ang Barakah Islamic Pawnshop, isang Shariah-compliant na sanglaan na naglalayong magbigay ng halal at walang interes na serbisyong pinansyal para sa mga mamamayan.
Dinaluhan ng mga opisyal ng Jamiat Cotabato, kabilang sina Sheikh Saad H. Sindatok at Abihuraira Zailon Guialab, kasama ang mga guro at mag-aaral ng institusyon.
Sa launching, ipinakilala ang Ar-Rahn o Islamic Pawning System, kung saan maaaring magsangla ng ginto, alahas at iba pang pinahihintulutang ari-arian upang makakuha ng agarang tulong-pinansyal nang walang ipinapataw na riba o interes.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng proyekto, layunin nitong magbigay ng patas at makatarungang alternatibo sa mga tradisyunal na sanglaan habang pinalalawak ang access ng komunidad sa mga serbisyong pinansyal na naaayon sa mga prinsipyo ng Islam.
Inaasahang makatutulong ang Barakah Islamic Pawnshop sa pagpapalakas ng Islamic finance sa Bangsamoro at sa pagbibigay ng mas abot-kaya at responsableng serbisyong pinansyal sa publiko.


