403 KAHON NG PINANINIWALAANG SMUGGLED NA SIGARILYO, NASAMSAM SA LANAO DEL SUR
Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱16.12 milyong halaga ng pinaniniwalaang smuggled na sigarilyo matapos matagpuan ang tatlong abandonadong truck sa isang bakanteng lote sa Brgy. BPS Village bandang 4:50 ng madaling araw.
Ayon sa Philippine National Police, nakatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen ang Malabang Municipal Police Station hinggil sa tatlong truck na iniwan sa lugar. Agad itong rumesponde kasama ang 2nd Provincial Mobile Force Company at Provincial Intelligence Unit ng Lanao del Sur.
Sa inspeksyon, natuklasan ang tatlong sasakyan—dalawang Isuzu Elf at isang Mazda Titan—na walang susi at dokumento. Kargado umano ang mga ito ng niyog na ginamit na pantakip sa mga kontrabandong sigarilyo.
Narekober ang kabuuang 403 master cases ng sigarilyo, kabilang ang 90 kahon ng Berlin at 313 kahon ng Canon brand.
Wala pang nakikilalang suspek sa insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Malabang MPS ang mga nakumpiskang kontrabando para sa dokumentasyon at ia-turnover sa Bureau of Customs. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Criminal Investigation and Detection Group para sa karagdagang imbestigasyon.


