MISSING NA DELIVERY DRIVER, NATAGPUANG BANGKAY SA SULTAN KUDARAT

Natagpuang wala nang buhay ang isang delivery driver matapos madiskubre ang kaniyang sasakyan sa isang liblib na lugar sa Sitio Datalanao, Brgy. Palavilla, Lutayan Sultan Kudarat nitong Lunes, Abril 13.

Kinilala ang biktima na si Francisco Pascua Cadenas, alyas “Kuya Darling,” na ilang araw nang nawawala.

Narekober ang kaniyang minamanehong puting L300 van na may plate number LAL 5619, kung saan natagpuan ang bangkay na nasa advanced state of decomposition na.

Sa inisyal na imbestigasyon, huling nakausap ng pamilya ang biktima noong Abril 11 matapos itong mag-text na nasiraan umano ng sasakyan sa Tulunan, Cotabato habang nagdedeliver ng mga parcel mula Davao City.

Pinaniniwalaang tatlong araw nang patay ang biktima bago nadiskubre ng mga residente ang sasakyan nito.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at SOCO upang matukoy kung may foul play sa insidente, habang sasailalim sa awtopsiya ang bangkay para alamin ang sanhi ng pagkamatay. | via Yanie Nul Abdulrasid, Mindanao Exposé