President Marcos: Tuloy ang ASEAN Summit ayon sa iskedyul
PHOTO COURTESY OF PCO
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes na tuloy batay sa nakatakdang iskedyul ang mga darating na summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Mayo, kung saan ang pagtutuunan ng mga lider ay ang koordinasyon sa mga agarang isyu tulad ng enerhiya, seguridad sa pagkain, at kapakanan ng mga migranteng manggagawa.
Sa isang panayam sa media matapos ang kanyang keynote address sa pagtatapos ng ika-47 Philippine National Police Academy (PNPA), sinabi ng Pangulo na nagkasundo ang mga kasaping bansa na ito ang tamang panahon upang pagtibayin ang kanilang koordinasyon, lalo na’t patuloy na naaapektuhan ang mga ekonomiya ng krisis sa langis dulot ng sigalot sa Middle East.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng ASEAN Summit sa kabila ng mga kasalukuyang hamon sa buong mundo.
“Mayroong mga nagtatanong din kung ano ‘yung mangyayari sa ASEAN Summit. Nagtanong kami sa lahat. We have consulted with our counterparts in 10 other member states (Kinunsulta namin ang sampung iba pang member states),” ani Pangulong Marcos.
“And the question that I asked them is very simple. Would you like, would you prefer, because everybody is busy with the oil crisis that’s going on because of the war in the Middle East, would you like to postpone the ASEAN Summit?” dagdag pa ng Pangulo.
(At ang tanong ko sa kanila ay napakasimple: Dahil abala ang lahat sa oil crisis na dulot ng digmaan sa Middle East, nais ba ninyong ipagpaliban ang ASEAN Summit?)
Ayon kay Pangulong Marcos, nagkasundo ang mga lider ng ASEAN na ituloy ang mga pulong sa halip na ipagpaliban ang mga ito.
“The consensus that we came to is that it is precisely now that we must coordinate our efforts. So, that is what we are going to do,” saad ng Pangulo.
(Ang napagkasunduan namin ay ito mismo ang panahon na kailangan nating magtulungan at mag-coordinate ng ating mga hakbang. Kaya’t ‘yun ang aming gagawin.)
Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na magiging mas pinaikli at nakatuon sa mahahalagang usapin ang gaganaping summit.
“Ipapatuloy natin ‘yung ASEAN Summit…The way that we described it is that it is a bare bones ASEAN Summit (Nilalarawan namin ito bilang isang bare bones ASEAN Summit),” ayon sa Pangulo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na tututok ang talakayan sa tatlong mahahalagang usapin sa rehiyon: suplay ng enerhiya, seguridad sa pagkain, at kapakanan ng mga migranteng manggagawa.
“We will be talking about three main subjects: about the supply of petroleum and petroleum products, about the supply of food and the price of food, and migrant workers,” saad ni Pangulong Marcos.
(Tatlong pangunahing paksa ang aming tatalakayin: ang suplay ng petrolyo at ang mga produkto nito, ang suplay at presyo ng pagkain, at ang kalagayan ng mga migrant workers.)
“Those will be the three subject matters that we will be taking up at the ASEAN Summit. It will be over a period of maybe a day and a half (Ang mga ito ang magiging sentro ng ASEAN Summit, na gaganapin lamang sa loob ng humigit-kumulang isa’t kalahating araw) imbis na ‘yung mahaba,” dagdag pa ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang pagpapaikli ng tagal ng summit at pagtutok sa mga pangunahing isyu ay magbibigay-daan upang mas matugunan ng mga kasaping bansa ang mga agarang suliranin habang pinananatili ang kooperasyong panrehiyon sa panahon ng kawalang-katiyakan. | PND


