3 BAGONG DEPUTY SPEAKERS INIHALAL; TATLONG ABUGADO NATANGGAL, 10 NANATILI SA BIGLAANG REORGANIZATION SA BTA PARLIAMENT

Nagsagawa ng malawakang reorganisasyon ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) matapos ideklara ang lahat ng posisyon ng Deputy Speaker bilang bakante at magsagawa ng halalan para sa bagong hanay ng pamunuan sa isinagawang sesyon ngayong araw.

Bilang resulta, tatlong bagong Deputy Speakers ang inihalal, ito ay sina Faizal Karon, Abdullah Hashim, at Romeo Sema na pormal nang pumalit sa mga naunang humawak ng naturang posisyon.

Tatlong Deputy Speakers na pawang mga abogado ang natanggal sa puwesto, kabilang sina Lanang Ali, Omar Sema, at Sha Elija Dumama-Alba.

Naunang tinanggal si Atty. Ali Jr. noong Martes makaraang maghain ng motion to vacate his position si
MP Rasul Ismael na nagresulta sa pagkapabor ng majority.

Samantala, nanatili naman sa kanilang mga posisyon ang sampung Deputy Speakers, na kinabibilangan nina Suwaib Oranon, Nabil Tan, Jose Lorena, Baintan Ampatuan, Adzfar Usman, Abdulkarim Misuari, Atty. Ishak Mastura, Laisa Alamia, Amenodin Sumagayan, at Don Mustapha Loong.

Ang naturang hakbang ay bahagi ng internal na reorganisasyon ng BTA na layong ayusin at palakasin ang estruktura ng pamunuan sa loob ng parlyamento. | via Yanie Abdulrasid