SC tinuldukan hirit ni Datu Pax na maupong Sultan Kudarat gov
Tuluyan nang nabigo si Datu Pax Ali S. Mangudadatu sa kanyang hirit na maupong gobernador ng Sultan Kudarat matapos ibasura ng Korte Suprema ang kanyang mosyon para muling pag-aralan ang kaso at pagtibayin ang pagkansela sa kanyang certificate of candidacy.
Sa sesyon ng Supreme Court En Banc noong Agosto 26, 2026, pinal nang ibinasura ang motion for reconsideration ni Datu Pax at pinagtibay ang naunang desisyon ng Korte na pumanig sa Commission on Elections sa pagkansela ng kanyang CoC para sa gubernatorial elections noong 2022.
Sa desisyon, tuluyang tinapos ng Mataas na Hukuman ang pagtutol ni Datu Pax sa naging hatol na may maling impormasyon sa kanyang CoC nang ideklara niyang residente siya ng Purok Garden, Tamnag, Lutayan, Sultan Kudarat sa loob ng isang taon at walong buwan bago ang halalan noong Mayo 9, 2022.
Sentro ng kaso ang usapin kung tunay na naitatag ni Datu Pax ang kanyang legal na paninirahan o domicile sa Sultan Kudarat at kung tuluyan na niyang tinalikuran ang dati niyang domicile sa Datu Abdullah Sangki, kung saan siya ay nanunungkulan pang alkalde nang ihain niya ang kanyang CoC.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na sa batas panghalalan, ang “residence” ay katumbas ng “domicile” o legal na tirahan, na hindi lamang nangangahulugan ng pisikal na pananatili sa isang lugar.
Kinakailangan din, ayon sa Korte, na may malinaw na intensiyon ang isang kandidato na manatili sa bagong lugar nang walang tiyak na hangganan ng panahon at, kasabay nito, ang intensiyong iwanan ang dati niyang legal na tirahan.
Batay sa pamantayang ito, sinabi ng mayoryang mahistrado na nakapagpakita si Datu Pax ng sapat na ebidensiya na pisikal siyang nanatili sa Lutayan, ngunit hindi umano niya napatunayan nang sapat na tinalikuran na niya ang kanyang domicile sa Datu Abdullah Sangki upang gawing bagong legal na tirahan ang Sultan Kudarat sa panahong hinihingi ng batas.
Mahalagang isinaalang-alang ng Korte na nanunungkulan pa si Datu Pax bilang alkalde ng Datu Abdullah Sangki nang ihain niya ang kanyang CoC noong Oktubre 7, 2021, isang posisyong may kaakibat na patuloy na rekisito ng paninirahan sa lugar kung saan siya nahalal.
Ayon sa Korte, ang patuloy niyang pagtupad sa kapangyarihan at tungkulin bilang alkalde ay hindi tugma sa kanyang pahayag na tinalikuran na niya ang kanyang legal na tirahan sa Datu Abdullah Sangki at nakapagtatag na ng bago sa Sultan Kudarat nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalan.
Iginiit ni Datu Pax na bumalik siya sa kanyang tahanang ninuno sa Lutayan noong 2020, ngunit sinabi ng Korte na hindi sapat ang pisikal na pananatili lamang upang mapatunayan ang pagbabago ng domicile na kinakailangan para maging kuwalipikado sa halalan.
Isinaalang-alang din ng Korte ang kanyang pagbibitiw bilang alkalde noong Nobyembre 15, 2021, ngunit sinabi nitong naganap ito matapos niyang ihain ang kanyang CoC at matapos nang kuwestiyunin sa Comelec ang kanyang pagiging kuwalipikado.
Dahil dito, sinabi ng Korte na hindi maaaring gamitin ni Datu Pax ang kanyang pagbibitiw upang itama ang kakulangan sa residency requirement na umiiral nang ihain niya ang kanyang CoC.
Ayon sa Korte, ang isang taong residency requirement ay dapat natugunan na sa panahong itinakda ng Local Government Code bago pa man maghain ng kandidatura.
Iginiit din ng Mataas na Hukuman na mahalaga ang deklarasyon tungkol sa residency dahil direktang nakaaapekto ito sa pagiging kuwalipikado ng isang kandidato na tumakbo bilang gobernador.
Dahil dito, maaaring makansela ang CoC sa ilalim ng Section 78 ng Omnibus Election Code kung mapatutunayang mali ang isang mahalagang impormasyong isinumite ng kandidato.
Napag-alaman ng mayorya ng Korte na idineklara ni Datu Pax na kuwalipikado siyang tumakbo bilang gobernador kahit hindi niya natugunan ang residency requirement na itinakda ng batas, dahilan upang pagtibayin ang pagkansela ng kanyang CoC ng Comelec.
Hindi rin tinanggap ng Korte ang argumento na sapat na ang mga dokumentong iniharap ni Datu Pax – kabilang ang mga certification, identification documents, affidavit at iba pang patunay ng kanyang pananatili at ugnayan sa komunidad sa Sultan Kudarat – upang patunayan ang kanyang pagiging residente ng lalawigan sa ilalim ng batas.
Ayon sa Korte, ang ebidensiya ng pisikal na pananatili sa isang lugar ay dapat may kasabay na patunay na may intensiyon ang isang tao na tuluyang iwan ang dati niyang domicile at magtatag ng bago.
Binigyang-diin din ng desisyon na ang CoC ay isang sinumpaang pahayag tungkol sa mga kwalipikasyon ng isang kandidato, kaya mahalaga ang katumpakan ng mga impormasyong may kinalaman sa kanyang pagiging kuwalipikado upang mapanatili ang integridad ng proseso ng halalan.
Iginiit ni Datu Pax na malalim ang kanyang ugat sa Sultan Kudarat at inilipat na niya roon ang kanyang mga persona


