HIGIT 26,000 ASATIDS O ISLAMIC TEACHERS, TUMUTOL SA BTA BILL NO. 47 NA NAGLALAYONG HATIIN ANG MBHTE
Nagpahayag ng matinding pagtutol ang mahigit 26,000 asatidz o Islamic teachers mula sa iba’t ibang lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) laban sa BTA Bill No. 47, ang panukalang batas na naglalayong hatiin ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).
Sa kanilang pagharap sa media nitong Lunes, April 20, sinabi ng mga kinatawan ng Madaris stakeholders na umaabot sa 26,091 ang bilang ng mga gurong lumagda bilang pagtutol sa naturang panukala.
Ayon sa kanila, nakatakda nilang isumite sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang kanilang position paper na naglalaman ng kanilang mga argumento at pangamba kaugnay ng planong paghahati sa MBHTE.
Iginiit ng grupo na posibleng makaapekto ang naturang panukala sa implementasyon ng mga programang pang-edukasyon, partikular sa sektor ng madaris, at sa kabuuang direksyon ng edukasyon sa BARMM region.
Nanawagan naman ang mga asatidz sa mga mambabatas ng BARMM na muling pag-aralan ang panukalang batas at isaalang-alang ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral sa BARMM region. | via Yanie Nul Abdulrasid


